Ang Panimula

“Ano nga ba ang SILBI ng Bobongpinoy? Is it just enough for us to interact together and talk about the current social and political issues?  Sapat na bang pag usapan lang natin ang mga libro ni Bob Ong?

Sapat na ba ang ganoon? O may iba pang SILBI?”

Iyan ang pahayag ng isang miyembro ng Bobongpinoy. 

Bobongpinoy- isang yahoo group na itinatag ni Bob Ong at sa kasalukuyan ay binubuo ng humigit-kumulang sa pitong libong miyembro.  Bobongpinoy- yahoo mailing list na itinatag para sa balitaan at palitan ng mga makabuluhang kuru-kuro ng mga Pilipino sa buong mundo.

At sapagkat sa pagpapalitan ng makabuluhang kuru-kuro ng mga miyembro ay nagising ang aming pagiging Pilipino, at sa pamamagitan nga ng pahayag na nagsisilbing hamon kung ano nga ang SILBI ng grupo, nalaman naming hindi lang kami makukuntento sa kwentuhan at balitaktakan.  Kailangan naming BUMANGON at magsimula ng mga makabuluhang gawain para sa bansa.

 Pilipinas, Bumangon na at Magsimula

 “Bulong lang kami ngayon, Sigaw na Kami Bukas”.  Sa pamamagitan ng isang Gift-giving activity, inumpisahan namin ang aming unang bulong.  Noong December 22, 2007, nagtungo kami sa Tagaytay City upang mamigay ng mumunting mga regalo para sa mga ulilang bata sa Orphans of Mother Spinelli’s Treasure.  Mumunting mga bagay subalit hindi matatawaran ang saya at kagalakang naihatid sa mga kaawa-awang bata sa panahon ng Kapaskuhan.

Halaw sa isang akda ni Bob Ong, ang Alamat ng Gubat, kung saan tinatalakay nya ang mala-gubat na sitwasyon ng ating bansa, sinimulan namin ang isa pang bagong proyekto.  “Alamat ng Gubat bago baguhin, Totoong Gubat muna ating Linisin”.  Noong May 31, 2008, inakyat namin ang Mt. Buruwisan sa Siniloan, Laguna para sa unang Clean-up drive project ng grupo.  At sa aming pag-uwi noong June 1, 2008, sa tulong ng mga DENR Forest Rangers, nakapangalap kami ng humigit-kumulang sa 16 sako ng mga basurang napulot, o tinatayang 10% ng mga kalat sa Bundok Buruwisan-bilang, na ayon sa mga awtoridad sa lugar ay siyang pinakamarami sa sinumang mga grupong naglinis sa Bundok.

Sino ang nakakakilala kay Nanay Anabelle, Lolo Froto at Lolo Alfredo?  Hindi man sila sikat, ngunit malapit sila sa aming mga puso.  Tatlong Cancer Patients na pinag-ukulan namin ng munting tulong na gamot, pagkain, pera, at lalo’t higit, ng panalangin.  Sino ang mag-aakalang sa pamamagitan nila ay lalo kaming mapaglalapit dahil sa dalas ng aming pagkikita tuwing dumadalaw kami sa aming mga mahal na pasyente?

At sa pagbangon ng aming kamalayan, patuloy kaming maghahanap ng mga bagong pamamaraan upang makatulong sa bayan.  May pag-asa pa ang Pilipinas.  At sisimulan namin sa aming mga sarili.

 

Bangonpinoy!

 

*Paglilinaw:  Ang website na ito ay hindi pagmamay-ari ng awtor na si Bob Ong, kundi ng mga miyembro ng bobongpinoy.